SA halip na lisanin ang West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone, dinagdagan pa ng bansang China ang mga barko sa karagatang sakop ng lalawigan ng Zambales.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), partikular na tinukoy ang pagpasok ng dalawang China Coast Guard (CCG) vessels (bow number 3304 at 3103) na kapwa namataan 90 milya ang layo sa baybayin ng nabanggit na lalawigan.
Taliwas naman sa lumabas na ulat hinggil sa paglisan ng tinaguriang “monster ship” ng China, namataan ang dambuhalang barko hindi kalayuan sa kinakitaan ng dalawang CCG vessels.
Samantala, tiniyak ng PCG na patuloy babantayan ang galaw ng mga sasakyang dagat ng China.
“Despite these developments, the PCG remains committed to challenging the illegal presence of Chinese Coast Guard vessels. The PCG will not allow China to alter the status quo by encroaching closer to the coastline of Zambales,” saad sa kalatas ng bantay-dagat. (EDWIN MORENO)
