SA kabila ng maugong na panawagan ng mga obrero para sa umento, isinantabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hiling ng mga mambabatas na lagdaan ang panukalang P200 legislated wage hike bilang “urgent bill.”
Ayon kay Marcos, kailangan pag-aralan mabuti ang mungkahing dagdag-sahod na isinulong ng Kongreso para sa mga manggagawa sa pribadong sektor
Paliwanag ng Pangulo, meron naman aniyang mga Regional Tripartite Board na nagtatakda ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa.
“The thing is we have a tripartite board that actually determines the increase in the wage. So, we still have to study it further to see how that will work together,” wika ni Marcos sa isang panayam.
Gayunpaman, nilinaw ni Marcos na batid ng administrasyon ang abang kalagayan ng mga Pilipino bunsod ng kabiguan ng gobyerno kontrolin ang mga sindikatong nagdidikta ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
“So, now with this, I don’t know how that’s going to work together. But we will see. We will try to resolve that because as you know it’s very clear that tumataas ang bilihin, nandyan pa rin ang inflation. Hindi pa natin nasusugpo nang mabuti, nang kumpleto,” wika pa niya.
Una nang pinagtibay ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang batas para sa P200 daily across-the-board wage increase ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Dapat rin umano isaalang-alang ang magiging epekto sa mga micro, small and medium enterprise (MSME).
“Yung sa corporate walang problema yan, iyong malalaking korporasyon, kaya nila yan. Kahit anong increase ang ilagay niyo kaya nila yan. Pero yung maliliit, iyon ang inaalala ng mga iba,” aniya.
“Pero palagay ko naman there is a way to increase that but we have to resolve the legal issues, we have to resolve the economic issues. So, it still deserves a great deal of study. So, it still deserves a great deal of study.”
