PARA kay Sen. Ronald dela Rosa, panahon na para kumilos ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) para magpatupad ng permanenteng solusyon sa sunod-sunod na aksidente sa Marilaque Highway.
“It’s about time that the Highway Patrol Group of the PNP tightens its grip along the whole stretch of the Marilaque highway with the support of course of the local police and the LGUs,” wika ni dela Rosa.
Sa pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs, personal na pinaabot ni dela Rosa ang pagkabahala niya sa sunod-sunod na road mishap sa nasabing highway.
“Ang dami nang disgrasya diyan sa Marilaque Highway at ang dami nang mga nagkokomento bakit mahina ang law enforcement natin pagdating sa area na ‘yan.”
Ginawa ni dela Rosa, na minsan nanungkulang hepe ng PNP, ang pahayag kasunod ng pinakahuling pangyayari sa Marilaque kung saan isang motorcycle rider ang nasawi at may ilan pa ang nasugatan sa bahagi ng highway sa Barangay Cuyambay Tanay, Rizal.
“Ang dami nang mga namatay na mga tila nag-e-exhibition na riders to the detriment not only of themselves kundi pati na rin yung ibang riding public who are after safety. Pati bystanders at pedestrians’ lives are endangered by these people who seem to be… I don’t know. For content purposes, ginagawa nila ito sa social media?” himutok ng re-electionist senator.“We don’t care whatever their motives are. What is important is we have to restore order along that national highway ng Marilaque para maiwasan na ‘yung future accidents,” dagdag pa niya.
Bunsod nito, hinimok din niya ang pamahalaan na makipagtulungan sa public safety at road experts sa pagbalangkas ng mga kaparaanan upang maiwasang mistulang gawing speed o race track ng mga rider ang Marilaque.
Iginigiit ni dela Rosa na dapat masusing bantayan ng HPG ang mga reckless motorcycle rider na sangkot sa delikadong gawain sa kahabaan ng nasabing highway.
“Ako, I am also using that highway ‘pag weekend. Nagra-ride din ako diyan kaya feel ko kung ano yung kaligayahan ng isang rider makadaan sa lugar na ‘yan. Pero yun lang, hindi natin maiwasan ‘yung, I hate to use the term, “kamote riders.” May riders talaga na (may) total disregard of safety. Isipin mo ‘yung nasa national highway ka, mag-Superman, Superman ka… Parang Superman ka na lumilipad na wala nang control… Walang control dahil yung paa mo nasa malayo. These are reckless forms of riding. Ito dapat ang bantayan ninyo dahil ito talaga ang nagko-cause ng aksidente,” pagtatapos ng senador.
