PARA kay Senador Imee Marcos, napapanahon nang ipawalang bisa ng gobyerno ang implementasyon ng provincial rate sa sahod ng mga manggagawa sa labas ng Metro Manila.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Imee ang aniya’y binabalangkas na panukalang batas para tugunan ang sitwasyon ng mga empleyado sa pribadong sektor sa mga probinsya.
“Yung una kong legislation yung talagang magkaroon ng iisang pantay-pantay na minimum wage kasi hindi ako naniniwala na malaki ang pagitan ng gastos sa probinsya at saka sa syudad,” wika ni Marcos sa isang panayam sa radyo.
“Ngayon [ang agwat ng minimum wage] lagpas P200 kada araw. Kasi P640 na sa Maynila, samantalang P440 lamang sa probinsya. Kaya nais ko maging pantay yan.”
Pag-amin ni Marcos, mas mataas ang renta sa bahay sa Metro Manila. Gayunpaman, parehas lang – kung hindi man mas mahal ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lalawigan.
Target din ng senador isulong ang legislative bill na naglalayong pag-isahin ang santambak ng programang ayuda ng gobyerno, kabilang ang kontrobersyal na AKAP, TUPAD at AKAO.
“Mas maigi kung ibigay na lang ang ayuda sa talagang nangangailangan. Panawagan ko nga, sabi nila, aabot sa P300 billion ang mga pamigay at ayuda, AICS, TUPAD, AKAO. Pwede ba ilista na lang mga pinakamahihirap sa atin at magkaroon ng pangkalahatang sahod sa mahihirap yung universal wage. Yung mga nahuhulog sa poverty line,” mungkahi ng senadora.
Sa larangan ng kalusugan, naniniwala si Imee na kung ano ang meron sa Metro Manila, meron din sa probinsya tulad ng lung at kidney centers para hindi na bumiyahe pa ang mga maralitang Pilipino sa mga kanayunan.
