TULAD ng inaasahan, agad na sinundan ng dagdag-presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang baryang rollback na ikinasa noong nakalipas na linggo.
Sa kalatas ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), muling ibinunton ng naturang ahensya ang sisi sa anila’y lumalalang tensyon sa Middle East, gayundin ang ipinataw na economic sanction ng Estados Unidos sa Russia at Iran.
Ayon kay DOE-OIMB) Assistant Director Rodela Romero, asahan ang paggalaw sa presyo ng gasolina, krudo at maging sa kerosene pagsapit ng Martes.
Para sa gasolina, maglalaro aniya sa pagitan ng 45 hanggang 75 sentimos kada litro ang idadagdag sa gasolina. Nasa 30 hanggang 60 sentimos kada litro naman ang patong sa krudo habang maglalaro sa 15 hanggang 30 sentimos ang umento sa kerosene.
Bago pa man inilabas ng kagawaran ang anunsyo, nagpatupad ng rollback ang DOE noong nakaraang linggo — 10 sentimos sa gasolina at diesel.
