SA tibay ng mga ebidensyang kalakip ng impeachment complaint na inakyat ng Kamara sa Senado, pihadong “guilty” ang magiging hatol ng impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Rep. Lorenz Defensor (Iloilo) na kabilang sa 11-man House prosecution team, isa sa pitong Articles of Impeachment, na kanyang napiling hawakan ay sapat na para madiin ang bise-presidente.
“For my Article, I’ll give you a 10… malalakas din naman yung iba pero mas natuwa ako yung napili ko at nagustuhan ko, malamang yun ang mapupunta sa akin,” ani Defensor nang tanungin sa tsansa na malaglag sa Duterte.
Gayunpaman, hindi binanggit ng kongresista kung alin sa pitong Articles of Impeachment ang ikapapahamak ng pangalawang pangulo.
Dapat rin aniyang humarap sa Senate Impeachment Court ang bise-presidente para makapagbigay ng testimonya.
“I would prefer if she will testify. Pero kaya kong matapos yung Article ko with or without the Vice President,” dagdag pa ni Defensor.
Pag-amin ni Defensor, wala pang natutukoy ng tatayong lead prosecutor. Bukod sa mga mambabatas ng Kamara, meron din umanong legal experts na tutulong sa prosecution team.
“Meron ibang abogado na tumutulong sa amin, not just the public prosecutors from Congress. Actually, dinagsa kami ng mga legal eagles sa buong Pilipinas na gustong tumulong to proceed with this impeachment trial,” paglalahad niya.
“Dinagsa kami ng mga batikang abugado na gustong ma-convict at matapos na itong impeachment trial,” ani Defensor. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
