SA kabila ng pagsasabatas ng Republic Act 11934 na mas kilala sa tawag na SIM Registration Law, patuloy na pamamayagpag ng mga dorobo, pag-amin ni Undersecretary Gilbert Cruz na tumatayong executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Para kay Usec. Cruz, nananatiling hamon ang kampanya ng pamahalaan laban sa cybercrime bunsod ng nasilip na diskarte ng mga scammers na gumagamit aniya ng fake registration para malusutan ang SIM Registration Law.
Taong 2022 nang pagtibayin ang batas na nagtatakda ng mandatory registration sa mga telecommunication companies ang subscriber identification module (SIM) bilang panlaban sa cyber fraud.
“Iyong SIM card registration natin kahit sino, kahit anong address ang ilagay mo puwede, kahit anong mukha ang ilagay mo puwede. So, sino ang hahabulin ng imbestigador?” pahayag ni Cruz sa isang pulong-balitaan.
Pangamba pa ni Cruz, hindi malayong tuluyang sumikat ang Pilipinas bilang cybercrime hotspot.
Katunayan aniya, lumalabas sa pulong sa mga foreign counterpart na Pilipinas nagmula ang ang source ng mga ilegal na gawain ng scammer sa ibang bansa kung saan aniya may mga nabiktima na.
