HABANG mabilis na lumiliit ang mga anyong tubig sa bisa ng mga reclamation projects na may basbas ng gobyerno, halos ubos na rin ang kagubatan sa mga kabundukan.
Sa isang pahayag, lubos na nababahala si Rizal Rep. Fidel Nograles sa aniya’y nalalabing forest land ng bansa.
Sa datos ng kongresista, nasa pitong milyong ektarya na lang ang nalalabing kagubatan sa kabuuang 15.8 million hectares na pasok sa kategorya ng “forest cover.”
Kasabay naman ng pagnipis ng kagubatan ang paglawak ng mga lupaing nakahanay sa kategorya ng “alienable and disposable” – pwedeng ibenta para pagtayuan ng pabrika, residential subdivisions, golf course, private resorts, quarry at iba pa.
Sa impormasyon nakalap sa ulat ng statista.com noong taong 2023, pumalo na sa 14.2 milyong ektarya ang “alienable and disposable.”
Mungkahi ni Nograles sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), pangunahan ang malawakang pagkilos para tamnan ng puno ang mga kalbong kabundukan.
“We have to aggressively restore our forest cover—there is no going around this issue. And we should start now. Hindi maaaring maghintay pa tayo,” anang kongresista.
