SA hangaring isalba ang lalawigan sa mga lumalapastangan ng mga kabundukan, pinagtibay ng pamahalaang panlalawigan ang ordinasang nagtatakda ng 50-year moratorium sa pagmimina sa buong Palawan.
Sa kalatas ng Sangguniang Panlalawigan, hindi na anila dapat pang pahintulutan ang walang habas na pagsira sa kalikasan – bagay na pwedeng tuldukan sa bisa ng ordinansang naglalayong protektahan ang mahigit 200,000 ektarya ng lupain sa laban sa pinsalang dulot ng kabi-kabilang pagmimina sa probinsya.
Suportado ng iba’t ibang komunidad, environmental groups at ng mga lider ng simbahan na tutol sa mining operations ang ordinansa.
Kalbong kabundukan na dulot ng pagmimina ang sinisisi ng mga residente ng Palawan sa mga pagbaha. Pagmimina rin ang itinuturong dahilan kung bakit pati ang mga katutubo nawawalan ng tahanan.
Gayunpaman, iba ang paniwala ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP).
Ayon sa COMP, malaki ang ambag ng mining operations sa pag-asenso ng Mimaropa region. Partikular na tinukoy ng grupo ang anila’y 7.5% kontribusyon ng mining sector sa gross regional domestic product ng rehiyon.
