“GUSTO n’yo ba na walang Bisaya sa Senado?” Ito ang tanong ni reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga miyembro ng Philippine Councilors League (PCL) Region VII kasabay ng panawagan para suportahan ang mga kandidatong Bisaya sa nalalapit na 2025 midterm elections.
“Siguraduhin natin na may representative tayo doon. Hindi pwede na sila-sila lang,” giit ni Dela Rosa sa pagtitipon ng mga konsehal kamakailan sa Mandaue City.
Pag-amin ng senador, bukod aniya sa kinagisnang Davao, mayroon din siyang dugong Boholano dahil ang kanyang ina ay mula sa bayan ng Antequera.
Lubos naman umaasa si Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya, na muli siyang susuportahan ng mga mamamayan mula sa vote-rich Visayas, hindi lamang sa rehiyon ng Mindanao na itinuturing niyang kanyang balwarte.
Sa kanyang unang pagsabak sa senatorial race noong 2019, si Dela Rosa ay nakakuha ng malaking boto sa Central Visayas kung saan siya ay pangalawa sa Bohol (354,114 votes), pang-apat sa Cebu (786,613 votes) at Negros Oriental (221,570 votes), habang pang-anim naman sa Siquijor (20,108 votes).
Samantala, nanawagan naman ang Mindanaoan lawmaker sa mga local legislators na tumulong sa paglaban sa ilegal na droga sa bansa.
“Mga leaders naman tayo sa ating mga komunidad, kausapin nyo ‘yung ating mga kababayan, ‘Kayo, bantayan ninyo ang inyong mga anak na huwag gumamit ng droga.’ Kausapin ninyo,” hirit ni Dela Rosa.
“Dito tayo sa side ng prevention, prevention is better than cure, ‘di ba? We have to prevent them from indulging in drugs,” dagdag pa niya.
Ani Dela Rosa, maaaring maging katuwang ng pamahalaang nasyunal ang local leaders sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot kabilang ang pagtutok sa ‘demand reduction’.
“Tulungan natin ang ating gobyerno, dito tayo sa demand reduction side. Huwag na tayo sa supply reduction, hayaan na natin ang mga pulis at PDEA diyan. Dito tayo sa demand reduction through education sa ating mga nasasakupan. Magbantay tayo na hindi gumamit ng droga ang ating mga kabataan,” pagtatapos ni Dela Rosa.
