TATLONG buwan matapos ang paghahain ng kasong graft and plunder laban kay Tanauan City Mayor Nelson Collantes, patuloy na umaasa ang mga residente ng naturang lungsod na bahagyang uusad ang reklamo sa bisa ng malayang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
Panawagan ng mga residente ng Tanauan City kay Ombudsman Samuel Martires, agarang suspensyon laban kay Collantes habang gumugulong ang imbestigasyon sa mga paratang na ipinukol laban kay Collantes.
Ayon kay Marlon Parma Parpiga na nakalagda sa reklamo, hindi biro ang salaping nawala sa kaban ng bayan, gayundin ang umano’y hayagang pang-aabuso ni Collantes sa kapangyarihan.
Kabilang sa mga alegasyon ni Parpiga batay sa 52-pahinang reklamo ang irregularidad sa payroll ng 850 “ghost employees sa ilalim ng kategoryang “job order.”
Pasok din sa demanda ni Parpiga ang umano’y moro-morong proseso sa likod ng mahigit P1.5-bilyong halaga ng procurement deal at service contracts, katiwalian sa “cash advances” at ang pagbiyak ng mga infrastructure contracts para maiwasan ang mandatory bidding.
Kabilang sa mga karagdagang alegasyon ang mga overpriced na proyektong pang-imprastraktura na lampas sa P5 milyon, maling paggamit ng calamity fund para bumili ng mga bagong sasakyan, gayundin sa alokasyon para sa scholarship program ng pamahalaan.
Kalakip naman ng 52-pahinang reklamo ang pagsusuring inilabas ng Commission on Audit (COA).
Para kay Parpiga, lubhang kaduda-duda ang aniya’y kawalan ng aksyon ng Ombudsman sa kabila ng umiiral na batas kung saan malinaw umanong nakasaad na meron lang 15 araw ang Ombudsman para aksyunan ang isang reklamo.
Kabilang sa mga batas na umano’y nilabag ni Collantes ang Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), RA 9485 (Anti-Red Tape Act), RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at RA 7080 (Anti-Plunder Act).
“Kung hindi papatawan ng preventive suspension si Collantes, baka wala nang abutan na dokumento ang Ombudsman sa sandaling simulan ang imbestigasyon,” himutok ni Parpiga.
