Senate President Francis Escudero, knight in shining armor nga ba ni Vice President Sara Duterte? (Photo lifted from GMA News)
HINDI pa man sumisipa ang pagdinig ng Senado sa impeachment case na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte, agad na nagpakawala ng patutsada ang Makabayan bloc laban kay Senate President Francis Escudero sa umano’y hayagang pagkiling sa pangalawang pangulo.
Partikular na tinukoy ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro ang pahayag ni Escudero na nagsabing hindi espesyal ang impeachment trial para magpatawag ng special session.
“This position is not only legally unsound but serves to shield the Vice President from accountability,” saad ng Makabayan bloc sa isang kalatas.
Giit ni Castro, walang duda na special ang impeachment lalo pa aniya’t nakasaad sa 1987 Constitution ang mandato ng Kongreso na pagulungin ang proseso para panagutin ang mga korap at abusado sa gobyerno.
“Ang pag-impeach ay hindi ordinaryong proseso,” wika ng militanteng kongresista.
Sa panig ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, kinastigo ang pinuno ng Senado na umano’y mistulang protektor ni Duterte.
“How can Senate President Escudero claim that a process concerning the accountability of the second highest official of the land is not special? Kung hindi special ang impeachment, ano pa?”
Para naman kay Kabataan Rep. Raoul Manuel, pinatunayan lang ni Escudero na toto ang hinala ng mga Pilipino sa aniya’y “selective justice” na umiiral sa bansa.
