“Malinaw pa sa sikat ng araw na tinipid ang Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela para may kumita ng limpak-limpak na salapi!”
Ito ang galit na pahayag ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo bilang reaksyon sa nasabing insidente kasabay ng giit na may nangyaring korapsyon kaya madaling bumigay ang naturang tulay.
“Bakit ka gagawa ng tulay sa probinsya na para sa light vehicles lang? It does not make sense,” wika ni Tulfo na kabilang sa mga pambato ng administrasyon para sa posisyon ng senador.
“Kung mali naman ang design, bakit nakalusot sa mga engineer ng DPWH (Department of Public Works and Highways)?” tanong ng mambabatas.
“Ikulong ang mga may pananagutan sa pagkasira ng nasabing tulay para magtanda at hindi na pamarisan,” dagdag niya.
Sinabi ni Tulfo na mahigit sa P1 bilyon ang pondong nasayang mula sa kaban bayan at hinala niya “tinipid ang pagkakagawa niyan para malaki ang kickback ng mga korap at kawatan.”
“Ang nakakainis pa rito, mali na pala ang disenyo eh, bakit hindi ipinahinto ng DPWH sa kontraktor ang paggawa ng tulay? Nnatapalan siguro ng contractor ng salapi ang mata ng mga inspectors at supervisors ng DPWH sa lugar na yun kaya lumusot sa government standards ang depektibong tulay.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
