BILANG kabayaran sa sakripisyo at ambag sa ekonomiya ng bansa, nais ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na sagutin ng PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation) ang hospital bills ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Bukod sa mga migranteng manggagawa, target din ng mungkahi ni Tulfo isama sa benepisyo ang pamilya ng mga OFWs.
“Sobrang laking kabawasan ito sa gastusin ng ating OFWs lalo na yung mga domestic helpers, manual laborer, at yung mga may mababang sahod sa ibang bansa,” giit ni Tulfo na pambato ng administrasyon sa nalalapit na 2025 senatorial race.
“Kahit kalahati man lang ng kanilang hospital bill ang sagutin ng PhilHealth at sa kahit anong uri ng sakit ay malaking bagay na, paano pa kung gawing zero billing ang kanilang bayarin kapag nagkasakit sila o ang kanilang pamilya?”
Sa ngayon aniya, ilang bahagi lang ng hospital bill ang sagot ng PhilHealth para sa lahat ng miyembro at para sa ilang mga piling sakit lang.
“Hindi lang OFW mismo ang covered ng benepisyong ito, dapat pati na rin ang kanilang
naiwang pamilya sa bansa,” diin pa ng ACT-CIS partylist solon.
Sa personal na pakikipag-ugnayan sa mga OFW, kabilang sa mga idinulog ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa ang mabigat na pasanin sa larangan ng kalusugan.
Sa sandali aniyang palarin sa nalalapit na halalan sa Mayo, tiniyak ni Tulfo amng paglikha ng panukalang zero-hospital bill para sa mga tinaguriang bayani ng makabagong panahon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
