
HINDI sapat na dahilan para magkagulo ang bansa sa nangyaring pag-aresto ng International Police Organization (Interpol) kay former President Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Sa pinag-isang pahayag ng mga prominenteng kongresista ng Kamara, minaliit ang posibilidad ng destabilisasyon lalo pa anila’t walang kinalaman ang pamahalaan sa sinapit ng dating pangulo.
Ayon kina House Deputy Majority Leader Jude Acidre (Tingog) at Assistant Majority Leader Paolo Ortega V (La Union), nananatiling matatag at kontrolado ng administrasyong Marcos ang sitwasyon sa bansa.
Partikular na binalewala ni Ortega ang panawagan ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa publiko para mag-aklas. Patuloy ang manhunt ng pamahalaan laban kay Roque na tumakas palabas ng bansa para maiwasan ang mandamiento de arresto ng Kamara.
“He’d been trying to do this to the Marcos administration, sa government, for almost two years na, di ba? Naalala natin yung video na ito ang kasamaan laban sa kadiliman. Pero from the last few weeks nakita po natin na gumaganda po yung ekonomiya natin,” ani Ortega.
Naniniwala ang La Union solon na pipilitin ng kampo ni Duterte na gumawa ng ingay sa pamamagitan ng pagmomobilisa pero hindi umano niya nakikitang hahantong ang mga kilos protesta sa gulo.
“So, for me, tingin ko they will try to make noise, they will try to have their rallies, pero tingin ko hindi naman siya mag-cause ng direct na instability,” dagdag ni Ortega.
Sinegundahan naman ni Acidre ang pahayag ni Ortega. Bagamat may mga gumagawa ng ingay wala naman umanong malawak na suporta mula sa taumbayan.
“The noisy one will always be noisy eh. That’s one thing for sure. Pero kung kakagatin ng tao, ako alam mo, I doubt,” ani Acidre.
Binigyan-diin ng Tingog partylist solon na matatag na polisiyang pang ekonomiya ng administrasyon Marcos, propesyunalismo sa hanay ng mga alagad ng batas at ang paggalang sa hustisya ang mas matimbang na pamantayan.
“We’ve seen kung paano ang ekonomiya natin. Katulad ng sinabi ni Cong. Paolo, maganda ang fundamentals natin. Pangalawa, naipakita natin hindi lang sa ating bansa, kung hindi sa buong mundo na the rule of law is applied equally to everyone in this country,” sabi ni Acidre.
Idinagdag din niya na ang pag-aresto kay Duterte ay hindi isang panghuhusga sa buong sistema ng hustisya sa bansa kundi isang patunay na maaaring gumana ang mga internasyonal na mekanismo kapag nabigo ang lokal.
“Obviously during the time that it was happening and during the time that the cases were filed pwede nating masabi na ganun nga. Kasi before naman yan umabot sa ICC, nag-file din yan sa piskalya, nag-file sa prosecutors, nagreklamo sa police. At wala naman tayong nakitang intentful attempt to prosecute or investigate. Kaya siguro umabot na sila sa The Hague,” ani Acidre. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)