WALA nang buhay nang matagpuan ang 31-anyos na binatang una nang nakitang naglalakad ng walang saplot sa pasilyo ng isang hotel sa Quezon City kaninang madaling araw.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 1:30 ng madaling araw nang natagpuang patay ang biktima sa ground floor ng hindi tinukoy na hotel sa Barangay South Triangle sa nasabing lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Jomar Valdez ng Kamuning Police Station 10 ng QCPD, bandang alas 9:10 ng gabi nitong Linggo (Marso 16), nag-check-in umano ang biktima sa Room 404 sa ika-4 na palapag ng hotel para sa 10 oras na pamamalagi.
Bandang alas 11:00 ng gabi, nakita ng hotel room attendant ang biktima na hubo’t hubad habang gumagala sa hallway kaya pinayuhan itong bumalik sa kanyang silid.
Bandang ala 1:30 kaninang madaling araw, habang nagro-roving ang security guard ng hotel nang makarinig ng malakas na kalabog mula sa kanyang likuran.
Aga na inalam ng guwardiya kung ano ang nahulog at doon ay bumungad sa ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa semento.
Isinugod pa sa East Avenue Medical Center ang biktima pero binawian din ng buhay bandang alas 3:39 ng madaling. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung nahulog o sadyang tumalon ang biktima. (LILY REYES)
