KINASTIGO ni AGRI Partylist Rep. Manoy Wilbert Lee ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na aniya’y sagana lang sa papogi.
Partikular na tinukoy ni Lee ang umano’y pagkakaloob ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package sa mga Pilipino.
Taliwas aniya sa ipinagmamalaki ng ahensya, walang bagong benepisyong handog ang PhilHealth. Katunayan aniya, nakapaloob na sa PhilHealth Circular 0033 (series of 2024) ang anunsyo ng state insurer.
Sa ilalim ng PhilHealth circular, saklaw ng tinaguriang “outpatient services and commodities” na ibinibigay ng PhilHealth-accredited healthcare facilities ng Emergency Department at maging sa mga extension facilities.
Kabilang aniya sa mga nakapaloob sa PhilHealth Circular 0033 ang diagnostic tests gaya ng X-ray, MRI, CT Scan at iba pang ‘essential emergency services and medicines.’
“According to the said PhilHealth Circular, this much needed benefit package does not require hospital admission or confinement,” giit ni Lee.
Subalit sa nakalap niyang dalawang billing statements mula sa magkahiwalay na pagamutan para sa emergency room expenses ng dalawang magkaibang pasyente, lumalabas na hindi pa rin sakop ang pinagyayabang na benefit packages ng PhilHealth.
“Ayaw natin ng fake news lalo na sa serbisyong pangkalusugan. Hindi natin dapat paasahin sa mga benepisyo ang ating mga kababayan na matagal nang pinagkaitan ng serbisyo na deserve at karapatan nilang matanggap lalo na kung kaya naman ibigay ng PhilHealth sa bilyon-bilyong pondo na meron sila,” himutok ni Lee.
“It is regrettable and unacceptable that despite the official announcement of PhilHealth, this ‘outpatient emergency care service’ is neither operational nor available to PhilHealth members in several, if not all hospitals across the country,” dugtong ng AGRI partylist solon.
Sinabi ni Lee na walang oras na dapat sayangin ang PhilHealth para itama ang kapalpakan nito lalo’t ang bawat PhilHealth member na dinadala sa emergency room, na hindi naman pala totoong matutulungan ng state health insurer, ay nahaharap sa malaking gastusin sa pagpapagamot.
“It is imperative that the PhilHealth management takes immediate responsibility and addresses this critical issue without further delay,” tigas na sambit pa ng Bicolano lawmaker.
Samantala, nanindigan ang AGRI partylist na tututukan ang PhilHealth lalo na sa mga programa para masigurong mayroong sapat at mahusay na serbisyong medikal na matatanggap ang mga mamamayang Pilipino mula sa pamahalaan.
“Seryoso tayo sa layunin nating libreng gamot at pagpapagamot para sa bawat Pilipino para mabawasan ang kanilang araw-araw na pasanin at pangamba. Kaya kung ano ang ipinangakong dagdag na serbisyong pangkalusugan, dapat tuparin at maramdaman ng bawat miyembro at mga benepisyaryo,” pagtitiyak pa ng AGRI Partylist, na reelectionist ngayong 2025 national and local elections.
“Filipinos deserve better, so we must demand better services. Noon pa po natin pinapanawagan at pinaglalaban, at kamakailan sa oral arguments ukol sa paglilipat ng pondo sa PhilHealth, ay sinang-ayunan din ng mga Mahistrado sa Korte Suprema na dapat gamitin ang bilyon-bilyong pondo sa kalusugan para sa kalusugan kesa mga proyektong wala naman mamamatay kung hindi gawin.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
