SAPAT na ang isang pagdalo sa pagdinig ng senado hinggil sa legalidad ng pag-aresto kay former President Rodrigo Duterte.
Para kay Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, naibigay na ng mga dumalong Kalihim ng Department of Justice and Department of Interior and Local Government ang lahat ng impormasyong kailangan ng Senate Committee on Foreign Relations.
Ayon kay Castro, wala nang dahilan pang humarap ang mga opisyal ng ehekutibo lalo pa’t inilabas na rin naman aniya ni Sen. Imee Marcos preliminary findings ng komite.
“Alam ng mga cabinet member, sa kanilang pananaw ay sapat ang kanilang mga nasabi, naibigay na facts, mga data sa naunang hearing ni Senator Imee Marcos,” wika ni Castro.
Giit pa ng Palace official, sinagot nina Justice Secretary Crispin Remulla at DILG chief Jonvic Remulla lahat ng tanong na ipinukol sa pagdinig.
