Sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng karahasan bunsod ng di pagkakaunawaan sa lansangan, muling nanawagan ang isang partylist congressman sa alituntuning kalakip ng nalalapit na halalan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Ang Probinsyano partylist Rep. Alfred Delos Santos ang Antipolo road rage na ikinamatay ng isang indibidwal at iminasugat ng tatlong iba pa.
Panawagan ni Delos Santos sa mga motorista, igalang ang gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec), alinsunod sa probisyon ng Omnibus Election Code.
Aniya, mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng eleksyon ang pagbibitbit ng baril sa labas ng tahanan, maliban na lang kung may Comelec exemption.
Pasok din talaan ng mga bawal dalhin sa mga pampublikong lugar sa panahon ng halalan ang lahat ng uri ng “explosives, airsoft guns, firearms replicas and sharp objects.”
“Nakakalungkot ang nangyari sa Antipolo road rage incident, walang buhay ang dapat nawala at hindi dapat nagkasakitan dahil lamang sa nagkainitan ng mga ulo at dahil din sa tila hindi nasunod ang batas, ang imposition ng gun ban na umiiral ngayong panahon ng eleksyon”.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 4A (Calabarzon), walang Comelec gun ban exemption ang SUV driver na nahaharap sa patong-patong na kaso matapos barilin ang tatlong riders sa Boso-Boso sa Barangay San Jose, lungsod ng Antipolo.
Para kay Delos Santos, higit na angkop imulat ang mga may-ari ng baril sa pagiging responsable — may gun ban man o wala.
“There is an urgent need for the government to promote responsible gun ownership to prevent reckless and accidental incidents that will cause a lifetime impact against all parties involved”.
Samantala, iminungkahi ng konhresista ang paglikha ng batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa para sa mga “road rage offenders” para maiwasan ang karahasan sa lansangan.
Sa ilalim ng mungkahi ni Delos Santos, pasok din sa parusa sa mga road rage offenders ang pagpapataw ng mas mataas na multa, mas mahabang suspensyon ng lisensya, at bonggang bakasyon sa loob ng piitan.
“Ang mga insidente sa Antipolo at mga nakalipas pang katulad nito ay paalala na ang simpleng hindi pagkakaunawaan sa kalsada ay puwedeng humantong sa trahedya. Mas mainam ang mahinahon at mapagbigay sa daan kaysa makipagtalo. Hindi natin alam ang maaaring gawin ng taong mainit ang ulo,” dugtong ni Delos Santos.
Hinikayat din ng partylist congressman ang mga motorita na magbaon ng mahabang pasensya habang nasa kalsada.
“Ang mga kalsada ay para sa lahat. Bilang mga mamamayan na gumagamit ng mga ito, lahat po tayo ay may obligasyong maging magalang at disiplinado para sa ating kapwa,” pagtatapos ni Delos Santos.
