
HINIMOK ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang mga taxpayers na gamitin ang electronic facilities at iba’t-ibang tax payment channels ng ahensya para sa mas pinadaling filing ng income tax return ngayong nalalapit na ang April 15 deadline.
Kasabay nito, inihayag ng BIR chief ang pagkakaloob ng high-tech services para sa mas mabilis at kombinyenteng pagtupad ng mga mamamayan sa tax obligations.
“Our goal is to make tax compliance easier and hassle-free for our taxpayers. We will continue to enhance our services and exert more efforts to achieve that,” wika ni Lumagui.
“The BIR is committed to making tax filing and payment more convenient by ensuring that our eFiling Center and RDOs’ eLounges are available to assist taxpayers every step of the way,” dagdag niya.
Nanawagan din si Lumagui sa lahat ng taxpayers na maagang mag-file ng AITR at pagbabayad ng Income Tax due sa kaparehong araw ng pagsusumite gamit ang electronic services at tax payment channels ng BIR, gaya ng Authorized Agent Banks, Revenue Collection Officers (RCOs), gayundin ang iba electronic platforms tulad ng MAYA, GCash, MYEG, at iba pang para sa aniya’y “smooth and hassle-free experience.”
Maaari rin umanong gamitin ng mga magbabayad ng buwis ang Electronic BIR Forms (eBIRForms) at ang Electronic Filing and Payment System (eFPS) na matatagpuan sa BIR website para sa online filing ng income tax returns.
Sinabi ni Lumagui na bukas din ang iba’t-ibang tanggapan ng BIR para sa mga walang internet access sa pamamagitan nang paglalagay ng eLounges sa mga Revenue District Offices (RDOs) kung saan mayroon din silang ipagkakaloob na in-person filing support.
Ang mga Authorized Agent Banks (AABs) ay magkakaroon ng extended banking hours na hanggang 5:00 PM at magiging bukas mula April 5 hanggang April 12 para tumanggap ng tax payments.
Matatandaan na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kumilala at pinapurihan ang mahusay na tax collection efforts ng BIR sa ilalim ng pamumuno ni Lumagui makaraang maabot nito ang collection target nito noong nakaraang taon, na kauna-unahang pagkakataon nagawa ng naturang kawanihan sa loob ng 20 taon.
“In 2024, the Bureau collected more than P2.85 trillion, which is higher than the P2.52 trillion that we collected in 2023,” ani Marcos.