MALINAW na direksyon ng Marcos administration ang dahilan sa likod ng pagbaba ng unemployment rate sa bansa, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Romualdez, ang pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay isang positibong senyales ng lumalakas na ekonomiya ng bansa.
Sa datos ng PSA, bumaba sa 3.8 porsyento ang bilang ng mga walang trabaho noong Pebrero 2025, mula sa 4.3 porsyento noong Enero.
Ito na aniya ang pinakamababang antas ng unemployment rate sa loob ng tatlong buwan, kung saan 1.94 milyong Pilipino ang walang trabaho kumpara sa 2.16 milyon noong mga nakalipas na buwan.
“This improvement in our labor market conditions reflects the growing strength and stability of our economy. It is proof that our policies are prudent and uplifting our people’s lives,” wika ng pinuno ng Kamara na binubuo ng 306-kinatawan.
Iniugnay ni Romualdez ang pagbaba ng unemployment rate sa pagtutok at dedikasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglikha ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan para sa mga mamamayang Pilipino.
“Our President’s clear vision for economic growth is bearing fruit. We, in Congress, are ready to provide necessary legislative support aimed at strengthening investments to create more jobs and skills training to enable our workers to adapt and thrive in the rapidly evolving digital landscape,” ani Romualdez.
Binanggit din ng House Speaker ang pagtaas ng employment rate sa 96.2 percent noong Pebrero 2025 — mula sa 95.7 porsyento noong Enero.
Base sa report ng PSA, umabot sa 49.15 milyon ang bilang ng mga may trabaho noong Pebrero 2025 – mas mataas kumpara sa 48.95 milyon noong Pebrero 2024 at 48.49 milyon noong Enero 2025.
“With 49.15 million Filipinos now employed, we are seeing progress not just in numbers but in the lives of ordinary citizens,” ayon pa lider ng Mababang Kapulungan.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagbaba ng underemployment, na mula sa 13.3 porsyento noong Enero ay naging 10.1 porsyento noong Pebrero, na katumbas ng 4.96 milyong indibidwal.
“Fewer Filipinos now feel the need to look for additional work. This means better quality jobs and improved working conditions are becoming more accessible,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, sinabi ni Romualdez na dapat ipagpatuloy ang mga hakbang para sa ikabubuti ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at ang pagpapalakas pa ng paglago ng ekonomiya.
“Let us ensure that no Filipino is left behind in this journey. We will continue to champion policies that generate jobs, uplift industries, and secure a brighter future for every Filipino family.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
