HAYAGANG kinanta ng isang pro-Duterte vlogger si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na umano’y nasa likod ng mga mapanirang social media content na naglalayong pabagsakin ang administrasyong Marcos.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng tri-committee ng Kamara, nilaglag ni Vicente Bencalo “Pebbles” Cunanan ang dating tagapagsalita ng Palasyo na umano’y nagbigay-utos sa iba pang social media influencers na ikalat ang tinaguriang “polvoron video” bilang bahagi ng planong pabagsakin ang gobyerno.
“Ako ay naniniwalang si Atty. Roque ang orihinal na pinagmulan ng polvoron video at na siya ang nagpakalat nito sa publiko upang sirain ang kredibilidad ng Pangulo,” pahayag pa ni Cunanan sa sinumpaang-salaysay na isinumite sa tri-committee.
“Ang labis ko ding natandaan noong gabing iyon ay nang sabihin ni Atty. Roque na ‘magaling ako magpabagsak ng gobyerno,’” dagdag ng social media personality.
Ayon kay Cunanan, ang “polvoron video” ay bahagi ng isang plano upang sirain ang kredibilidad ni Marcos at mag-udyok ng galit ng publiko laban sa administrasyon.
“Base sa pagka intindi ko, at dahil iyon ang isa sa mga pinag-usapan ng gabing iyon, ang pagpapakalat ng video na kung saan gumagamit diumano ng cocaine si PBBM ay parte ng sinasabi ni Roque na pagpapabagsak ng gobyerno,” aniya.
Ang Tri-Comm, na binubuo ng House Committees on Public Order and Safety, on Information and on Communications Technology, at Public Information, ay nagsasagawa ng pagdinig kaugnay ng pagkalat ng fake news at misinformation sa social media.
Pagbubunyag pa ni Cunanan, naganap ang pahayag ni Roque sa isang pribadong hapunan noong Hulyo 7, 2024, sa Hong Kong, ilang sandali matapos ang Maisug Rally.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ay sina Roque, dating executive secretary Vic Rodriguez at mga influencer na sina Atty. Glen Chong, Atty. Trixie Cruz-Angeles, Dr. Lorraine Badoy, Sass Rogando Sassot, Joie de Vivre, at Tio Moreno.
Sinabi ni Cunanan na sa hapunan ay ibinunyag ni Roque na nakatanggap siya ng screenshot mula sa kamag-anak ng isang politiko na nagpapakita ng isang lalaking kahawig diumano ni Pangulong Marcos na gumagamit ng cocaine.
“Noong gabing iyon, sinabi ni Atty. Roque na siya ay nakatanggap mula sa kamag-anak ng isang politiko ng isang screenshot ng video kung saan makikita si PBBM na gumagamit ng cocaine,” ayon sa affidavit.
Bagamat hindi ipinakita ni Roque ang imahe noong gabing iyon, sinabi ni Cunanan na tinalakay ng grupo kung paano mailalabas ang video sa publiko nang hindi sila malalagay sa alanganin.
“Nagkaroon ng mga diskusyon tungkol sa pagpapakalat ng video ito sa publiko,” aniya. “Ayon sa aking rekoleksyon, mayroon pa ngang naging usapan na isang foreign influencer o vlogger ang dapat mag-post o panggalingan ng video para magmukhang mas kapani-paniwala at upang maiwasan ang anumang posibleng pananagutan mula sa gobyerno ng ating bansa,” dagdag pa ng salaysay.
Ikinuwento rin ni Cunanan ang isang simbolikong kilos na nangyari sa parehong gabi.
“Noong nagkaroon ng isang photo session noong parehong gabing iyon, kami ay gumawa ng kapansin-pansing hand gesture: isang baliktad na ‘V’ sign,” aniya.
“Kung matatandaan, naging simbolo ni PBBM ang letrang ‘V’ noong siya ay nangangampanya bilang Presidente, kung kaya naman alam ko na ang hand gesture na ito ay direktang tumutukoy kay PBBM.”
Sinabi ni Cunanan na si Roque rin mismo ang unang naglabas ng video sa publiko, sa isa pang Maisug Rally sa Vancouver, Canada, noong Hulyo 20 – isang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos.
“Sa aking pagkakaalam, isa sa mga dumalo sa rally na iyon sa Vancouver ay ang DDS Vlogger na si Maharlika na tila alam na ang laman ng video na ipinakita ni Atty. Roque bago pa man ito ilahad sa publiko,” dagdag pa ni Cunanan.
“Nagpadala pa sa akin ng mensahe si Maharlika kung saan hinihikayat niya akong ‘sakyan’ ang lalabas na video na umano’y nagpapakita kay Pangulong Marcos na gumagamit ng cocaine.”
Sinabi ni Cunanan na lalong pinatibay nito ang kanyang paniniwala na planado ang pagpapalabas ng video upang siraan si Marcos bago ang kanyang talumpati sa Kongreso.
Noong Hulyo 22 – araw ng SONA – natanggap umano ni Cunanan mula kay Maharlika ang dalawang bersyon ng video: isang raw version at isang enhanced version na di umano’y in-edit upang mas malinaw na ipakita ang Pangulo.
“Mayroon pa rin akong kopya ng raw and enhanced video na ito,” aniya. “Sa aking pagkakaalam, ang larawan na hawak ni Atty. Roque sa rally sa Hong Kong ay mula sa raw version ng video at hindi pa na-a-augment o na-edit noong panahong iyon.”
“Sa enhanced version na ipinadala sa akin, sa aking pagka intindi ay in-edit at in-augment ang video upang magmukhang si Pangulong BBM mismo ang nasa eksena. Dahil dito, lalong tumibay ang aking paniniwala na ang video ay sinadyang ipakalat ni Atty. Roque at ng ilang DDS personalities upang magdulot ng batikos at kontrobersiya laban kay PBBM bago ang kanyang SONA,” pahayag ni Cunanan. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
