TATLONG taon matapos magbitaw ng Pangako ang noo’y ;presidential candidate na si Ferdinand Marcos Jr., inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang pagsipa sa implementasyon ng P20 kada kilong bigas.
Gayunpaman, nilinaw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na “limitado muna” sa Visayas ang pagbebenta sa murang halaga ng pangunahing pagkain ng mga Pinoy.
Sa isang pahayag ng kagawaran, ibinida ni Laurel ang katuparan ng pangako ng Pangulong aniya’y hangad na gawing mas abot-kaya ang presyo ng bigas para sa sambayanang Pilipino.
GArantiya ng Kalihim, palalawigin ang programa sa iba’t ibang panig ng bansa pagkatapos ng tinawag niyang “pilot implementation.”
“The President has actually given the directive, initially itong programa ng DA was supposed to last until December, pwede pa stretch yan until February. But our President has given the directive to the Department of Agriculture to formulate this to be sustainable and ituloy-tuloy hanggang 2028,” wika ni Laurel.
Sa ilalim ng programa, naglaan ang gobyerno ng 10 kilo lingguhang alokasyon para sa mga tukoy na benepisyaryo, kasabay ng garantiyang may sapat na stock ng bigas ang DA para simulan ang programa.
Gayunpaman, duda si Vice President Sara Duterte. Aniya, posibleng “hindi pantao ang kalidad ng murang bigas na ilalarga para sa mga maralitang Pilipino.
“Meron akong pagdududa ha na magbebenta sila ng 20 pesos per kilo na bigas pero hindi pantao. Panghayop,” anang bise presidente.
“‘Yan ‘yung 20 pesos per kilo na binebenta. ‘Yung pinapakain sa baboy. Hindi mga baboy ang mga… hindi mga hayop mga Pilipino. Kapag nagbenta kayo ng 20 pesos per kilo, bibili kami lahat. Kasi, puwede siya kainin ng tao,” dugtong ng pangalawang pangulo.
Kumbinsido rin si VP Sara na hangad lang ng administrasyong Marcos gamitin ang programang murang bigas para sa nalalapit na halalan.
“Promise na naman yan sa mga tao na alam mong para lang sa eleksyon at para lang sa kanilang mga senador para manalo yung kanilang alyansa kuno na iniwan naman din sila ng dalawa nilang kandidato dahil pagkakaalam po walang direksyon yung kanilang alyansa,” aniya.
“Binubudol na naman nila ‘yung mga tao sa 20 pesos per kilo na bigas. At magdududa ka dahil bakit Visayas lang. Hindi ba nagugutom ‘yung mga taga-Mindanao? Hindi ba nagugutom ‘yung mga taga-Luzon? Bakit 20 pesos per kilo lang dito sa Visayas?”
