PARA kay Vice President Sara Duterte, hindi na dapat tangkilikin ng mga botante ang Tingog partylist sa nalalapit na halalan. Ang dahilan — ginagamit lamang di umano ni House Speaker Martin Romualdez ang grupong kanyang itinatag para isulong ang pansariling interes.
Sa sang kalatas, hayagang sinabi ni Duterte na kay Romualdez ang Tingog partylist group, batay na rin aniya sa pag-amin sa kanya ng lider ng Kamara.
Asawa ni Romualdez ang first nominee ng Tingog.
Bago pa man ang panawagan ni Duterte, una nang naglabas ng pahayag si Tingog partylist Rep. Jude Acidre hinggil sa kinakaharap na impeachment case ng bise presidente.
Ani Acidre, palaisipan kung san umano humuhugot ng kumpyansa ang pangalawang pangulo kaugnay ng impeachment case gayong hindi magawang magbigay-liwanag si Duterte sa usapin ng confidential fund.
“‘Yung second nominee nila na si Jude Acidre, na gusto niyang sumagot ako sa kanya patungkol sa confidential fund ay pagmamay-ari ni Martin Romualdez kasi second seat siya ng Tingog party-list. So ibig sabihin, pinapasagot nila ako kay Martin Romualdez. Bakit naman ako sasagot sa Tingog partylist?” bwelta ni Duterte.
“Maraming nagtatanong sa akin, ‘Ano ba ang magagawa namin?’ ‘Ano ba ang maitutulong namin sa eleksyon?’ Unang-una, puwede nyo sigurong matulong talaga, huwag niyo iboto yung Tingog partylist.”
“Kasi ang boto para sa Tingog partylist ay boto para kay Martin Romualdez,” dugtong pa niya.
Sabi pa niya, “Hindi dahil sa hindi ko masagot ‘yung mga tanong nila sa confidential funds. Ayaw kong sumagot sa mga pagmamay-ari ni Martin Romualdez… bakit ako sasagot sa taong todo ang paninira niya sa akin, todo ang gastos niya sa paninira sa akin?”
