PALAISIPAN sa mga Makatizens ang patuloy na pamamayagpag ng kriminalidad sa lungsod sa kabila ng pagkakaroon ng P240-milyong confidential fund sa panahon ng panunungkulan ni Mayor Abby Binay.
Batay sa datos ng lokal na pulisya, sumipa ang insidente ng kidnapping, robbery at iba pang uri ng krimen sa ilang bahagi ng Makati City taong 2022 at 2023 — mga panahong inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang halagang P240 milyong budget na pwedeng gamitin ng alkalde para sa peace and order program (POP) sa nasasakupang lokalidad.
Gayunpaman, nakapagtala pa rin ng “sharp increase” sa insidente ng kriminalidad sa ilang bahagi ng Makati City na lubhang ikinabahala ng mga residente sa Salcedo Village.
Sa isang liham ng samahan noong Oktubre ng nakalipas na taon, umapela ang residente ng Salcedo Village kay Mayor Abby Binay na tugunan ang tumataas na bilang ng kriminalidad sa kanilang komunidad kasunod ng “sharp increase” sa krimen tulad ng snatching, hold-ups at kahit kidnapping incidents na iniulat sa nakalipas na siyam na buwan ng 2024.
Sa naturang liham, tinukoy ng kinatawan ng Salcedo Village residents ang datos ng Barangay Bel-Air kung saan lumalabas na lumala ang sitwasyong pang-seguridad sa naturang bahagi ng lungsod.
“The data revealed that, while Barangay Bel-Air’s total monthly crimes increased by 8 percent from 2023 to 2024, Salcedo Village alone saw a 17 percent rise in incidents during the same period — more than double the average rate of surrounding environs,” ayon sa residente.
“Alarmingly, the area accounts for 71 percent of all crimes in the barangay,” anila.
Bilang patunay, inilahad ng mga residente ang sunod-sunod na insidenteng kinasasangkutan ng riding-in-tandem kabilang ang isang lalaki na nakasuot ng Angkas uniform na nangholdap umano sa isang pedestrian na ninakawan ng pera at cellphone.
“Restaurant-goers and pedestrians have also been frequent targets of violent and economic crimes.”
Nitong linggo ng gabi, Mayo 4, 2025, pinasok ng tatlong armadong kalalakihan ang Izakaya Kojiro sa Pasay Road,kung saan nalimas ang pera, alahas at cellphone.
Sa pinakahuling audit report ng COA, natuklasan na top spender si Abby Binay sa 17 local chief executives sa Metro Manila na umabot sa P480 milyon ang ginastos ng alkalde sa POPs sa dalawang magkasunod na taon, 2022 at 2023.
Nakita din sa COA audit report na gumastos naman ng P120 milyon ang Lungsod ng Maynila nitong 2022 at 2023 na kahit pangalawa sa pinakamayamang lungsod; at pumangatlo ang Quezon City na umabot lamang sa P100 milyon ang ginamit sa confidential funds kahit ito ang may pinakamalaking land area at populasyon at pinakamayaman na may P448.51 billion total assets.
Base sa Joint Circular No. 2015-01 na ipinalabas ng COA, Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), at ang Governance Commission for GOCCs (GCG), kabilang ang local government units na direktang gagastusin ang confidential funds sa POPs.
Limitado ang paggastos sa crime prevention and law enforcement activities; capability development for personnel of law enforcement agencies and volunteers; at programa laban sa illegal drugs, illegal gambling, counter insurgency, smuggling, human trafficking, illegal fishing, unlicensed mining at illegal logging operations.
