ONSEHAN sa droga ang sinisilip na dahilan sa likod ng pamamaslang ng isang tulak sa 24-anyos na binata sa Quezon City Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si alyas “Baluya,” 24, binata, jobless, at residente ng Ibayo 2, Barangay Bagbag, Quezon City.
Patuloy naman ang pagtugis sa suspek na si alyas “Aguilar,” 40-anyos, may asawa, jobless, at kapitbahay ng biktima.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 1:53 ng madaling araw nitong Lunes (May 5), nang maganap ang pamamaril sa Maligaya Dulo, Barangay Sauyo, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/MSg Nido Gevero Jr., una nang pagtangkaan patayin ng suspek ang biktima noong Pebrero 9, sa loob ng kanilang compound subalit nakatakbo si Baluya at nagtago sa loob ng kanyang bahay.
Muling binalikan ng suspek ang biktima at nang makita ay agad itong pinagbabaril hanggang sa mapatay.
Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/CMS Frederico Manzano, at sa pagsusuri, ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (LILY REYES)
