KASABAY ng pagtatapos ng nasa 54 kababaihan sa Philippine Military Academy (PMA), nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba pang Pinay na pasukin ang karera ng pagiging kawal na magtatanggol sa bansa.
Sa seremonyang kalakip ng Graduation Rites ng PMA Siklab-Laya Class of 2025 sa Fort del Pilar sa lungsod ng Baguio, lubos na ikinalugod ni Marcos ang pagdami ng mga kababaihang pumapasok sa akademya.
Sa datos ng PMA, 54 sa kabuuang 266 kadeteng nagsipagtapos ang babae.
“Ang mga kababaihang kadete ng PMA ang patunay na ang tapang, talino, at galing ay hindi nakaaayon sa kasarian,” pahayag ng Pangulo.
Nasa 137 PMA graduates ang papasok sa Philippine Army, 71 ang inaasahang sasapi sa Philippine Navy habang ang nalalabing 58 ay tatahakin ang karera sa Philippine Air Force.
“Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon sa bawat batang babae nangangarap na magkaroon ng mahalagang papel sa ating bansa,” pagtatapos ng Pangulo.
