HINDI pwede sa ordinaryong kulungan manatili si former Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa kalatas ng NBI, higit na matimbang tiyakin ang kaligtasan ni Teves na nahaharap sa mahabang talaan ng kasong pagpatay na nangyari sa lalawigan ng Negros Oriental.
Para masiguro ang seguridad ng kongresista, dinala na si Teves sa NBI detention facility sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) compound sa Muntinlupa City habang hinihintay ang pag-arangkada ng paglilitis ng korteng may hawak ng kasong multiple murder kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 2023..
Una nang iniharap ni NBI Director Jaime Santiago si Teves sa media. Kabilang sa mga dumalo si Zenaida Teves (ina ng dating kongresista) at Atty. Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ni Teves.
Hiling naman ni Teves sa korte, paspasan ang paglilitis sa kanyang mga kaso.
Huwebes ng gabi nang dumating sa Pilipinas si Teves, na dumaan muna ng Davao ang Philippine Air Force, bago tuluyang lumapag sa Villamor Air Base dakong 11:18 ng gabi. (ITOH SON)
