PATAY sa riding-in-tandem ang isang 30-anyos na babae, habang sugatan naman ang dalawang iba pa, matapos ang pananambang sa bayan ng Teresa, lalawigan ng Rizal.
Sa paunang ulat ni Major Edzel Macasero na tumatayong hepe ng Teresa Police Station, dakong alas 5:30 ng hapon nang tambangan ng mga armadong lalaki sina alyas Shanna, Veronica at isang hindi natukoy na kasama sa kahabaan ng Pantay Road sa Sitio Canlibut, Barangay Bagumbayan ng nasabing lokalidad.
Mapalad naman nakaligtas sina Shanna at Veronica na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Batay sa imbestigasyon, lulan ng tricycle ang mga biktima nang tapatan at paputukan ng hindi pa nakikilalang salarin. Kwento ng mga saksi, mabilis na tumakas ang mga suspek na sakay ng motorsiklong Yamaha NMAX.
Bago pa man ang pananambang, napag-alamang nakuha pang dumalaw sa Teresa District Jail ang mga biktima.
Patuloy naman ang lokal na pulisya sa backtracking ng CCTV camera sa lugar at dragnet operation para sa ikadarakip ng mga suspek. (EDWIN MORENO)
