WALANG plano ang Land Transportation Office (LTO) na palampasin ang may-ari at “hinete” ng anim na sports cars na nakunan ng video habang nagkakarera sa Tagaytay City kamakailan.
Bilang pambungad, naglabas na rin ang LTO ng show-cause order laban sa mga rehistradong may-ari ng dalawang Mazda MX-5, isang Ford Mustang, isang Nissan Z, isang Chevrolet Camaro at isang BMW M4.
Ayon kay LTO acting chief Atty. Greg Pua, kasado na rin ang imbestigasyon sa insidenteng nagviral sa social media.
“The SCOs were already issued to them. And part of this process is for them to identify and bring with them the drivers of these sports cars. Maaring yung registered owner ang mga yun, o ibang mga driver. At wala silang kawala dito dahil may video,” wika ni Pua.
“Maling-mali ang ginawa ng mga taong ito dahil may tamang lugar sa mga ganung gawain. Ipinagawa ng pamahalaan ang mga kalsada para sa comfort of mobility ng mga tao, at hindi para sa mga pasaway na gaya ng mga driver na ito sa viral video,” dugtong ng opisyal.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Chief Renante Melitante, hinihiling sa mga rehistradong may-ari na ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa walang ingat na pagmamaneho sa isang kalsadang tinustusan ng pamahalaan para sa ligtas na paglalakbay ng mga mamamayan — at hindi sa buwis-buhay na karerahan.
Sa sandaling matukoy ang mga driver ng sports car, agad na magkakabisa ang 90-day suspension ng kani-kanilang driver’s license.
Sinabi ni Pua, ang mga rehistradong may-ari ay hiniling na dalhin ang mga rehistro at iba pang mga dokumento ng mga sports car para sa pagsusuri at pag-verify.
“Let this serve as a warning that we will not tolerate this behavior on the road—naka-sports car ka man o motor o tricycle. Umayos tayo sa daan, yun ang gawin natin araw-araw para wala kayong problema sa LTO,” pahabol ni Pua. (LILY REYES)
