IGINIIT ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dapat gawing bahagi ng refresher course sa mga tsuper, konduktor at operator ng mga public utility vehicles (PUVs) ang pag-aaral sa mga batas na may kaugnayan sa mga taong may kapansanan.
Partikular na tinukoy ni Assistant Secretary Irene Dumao na tumatayong tagapagsalita ng DSWD, ang Republic Act 9442 (Magna Carta for Persons with Disabilities).
Para kay Dumlao higit na angkop rin umanong pag-aralan ng mga tsuper, konduktor at operator ng pampublikong sasakyan ang karapatan at kapakanan ng mga pasaherong pasok sa kategorya ng PWD.
Hindi rin aniya dapat pang maulit ang insidente ng pananakit ng mga pasahero ng Precious Grace bus sa 25-anyos na may autism syndrome.
Ibinahagi rin ni Dumao ang pagsasampa ng kaso ng pamilya ni “Mak-Mak,” ang autistic na nakunan ng video habang minamaltrato ng ilang pasahero habang sakay ng bus noong Hunyo 9, 2025.
Kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang isinampa laban sa anim na katao, na kinabibilangan ng tatlong pasaherong nambugbog kay Mak-Mak, isang security guard na gumamit ng Taser gun sa biktima, at sa tsuper at konduktor ng bus na hinayaan lang ang komosyon at basta pa pinababa mula sa bus ang lupaypay na biktima.
“Hindi makatao ang kalupitan at pagpapabaya… Tinuring siyang hayop at pinagtatawanan sa internet ng mga nag co-comment,” saad ng pamilya ni Mak-Mak.
Ayon naman sa abogado ng biktima, “My client, even though he is 25 years old, has an intellectual disability, so the law considers him to still be a child, and he is unable to protect himself.”
Binanggit din ni Dumlao ang insidente naman sa isa ring PWD na si Julian Tacbad na umano’y pinagtawanan at kinutya ng mga kapwa pasahero ng LRT-Line 1 nang pinilit niyang pumuwesto sa upuang nakalaan sa senior citizens, buntis at PWD.
Si Tacbad umano ay isa ring may non-apparent disability (may tagong kapansanan) na naoperahan sa mata dahil sa congenital cataract pero lumabo ang dalawang mata na umabot ng 1,150 ang grado. Nahihilo umano siya ng oras na nangyari ang insidente.
Saad ni Dumlao: “Those who are proven to have violated the provisions of the Magna Carta for Persons with Disabilities are looking at from six months to 2 years imprisonment plus a fine ranging from Php50,000 to Php200,000 depending on the gravity of the offense.” (REGGIE VIZMANOS)
