HIGIT na angkop pag-ibayuhin ng pamahalaan ang polisiyang magbibigay-daan sa pagpasok ng mas maraming kapitalista, sa bisa ng mga bagong batas na babalangkasin ng Kongreso.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang
positibong resulta ng pinakahuling Labor Force Survey kung saan lumalabas na unti-unting bumababa ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho.
Garantiya ni Romualdez, masugid niyang tututukan sa 20th Congress ang pagsusulong ng mga panukalang batas para higit na mapahusay at maipagpatuloy ang epektibong economic agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Anang speaker ng nakaraang 19th Congress, partikular na bibigyang prayoridad ang higit na pag-akit sa foreign investors na magtayo ng negosyo sa bansa, para makalikha ng mas maraming trabaho para sa mamamayang Pilipino.
“Pursigido ang pamahalaan ni Pangulong Marcos na tulungan ang ating mga kababayan na umahon sa kahirapan at makahanap ng dekalidad na trabaho o makapagtayo ng sariling negosyo. Paiigtingin natin ang mga hakbang ng Pangulong Marcos para makalikha pa ng maraming trabaho sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga dayuhang mamumuhunan at ang pribadong sektor,” pahayag ni Romualdez na lider ng dominant political party Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD)
Sa latest report ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 2.03 milyon ang bilang ng unemployed mula sa 2.06 milyon na naitala ng ahensya noong Abril.
Mula aniya sa 4.1 percent, bumaba sa 3.9 percent na lang ang unemployment rate sa bansa, habang dumami naman ang nakasungklit ng trabaho.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng PSA, pumalo na sa 52.32 milyong Pinoy ang aktibong bahagi ng “working class” noong Mayo — mas mataas kumpara sa 50.74 milyon na nairekord noong parehong buwan ng nakalipas na taon.
Para kay Romualdez, isang malinaw na indikasyon na epektibo ang mga programang pang-ekonomiya na ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon.
Kasabay naman bilang pagsunod sa mga hangarin ni Marcos, sinabi ni Romualdez na isusulong din niya ang pagkakaroon ng magandang ugnayan sa pagitan ng mga employer at manggagawa, pagbibigay ng kaukulang pagsasanay para sa mga nais magtayo ng sarili nilang negosyo at pagbibigay prayoridad sa labor sector gaya ng paglikha ng marami trabaho at magkaroon ng mga maraming kwalipikadong manggagawa iba’t-ibang larangan.
“Nais nating tuparin ang mga pangarap ng ating mga kababayan na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang tungkulin ng Kongreso bilang mga kinatawan nila,” dagdag pa ng Leyte solon, na isa ring lawyer mula sa University of the Philippines (UP).
“Strong economic growth is only possible if no Filipino is left behind. We must make every opportunity—from skills training to dignified employment—within reach of every hard working citizen,” pangwakas ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
