KUMBINSIDO ang isang kongresista na tapos na ang ‘boksing’ para sa liderato ng Kamara.
Ito ang bungad ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa aniya’y bilang ng mga mambabatas na sang-ayon panatilihin si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Mababang Kapulungan.
Kung susumahin aniya ang talaan ng mga kongresistang lumagda sa manifesto of support, 291 sa 314 miyembro ng Kamara ang inaasahang boboto kay Romualdez sa pagbubukas ng first regular session ng 20th Congress, kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nagulat ako nung nalaman ko yung latest kahapon na nasa 291 na members ng 20th Congress ang pumirma ng suporta para sa Speaker ng 19th Congress at ngayon ay re-elected bilang kongresista ng 1st District ng Leyte, si Congressman Martin Romualdez,” wika ni Garin sa isang virtual media conference.
“So 291… napakalaking numero po niyan. Considering that we are only 300-plus, medyo overwhelming ‘yung pagpapakita ng suporta,” dugtong ng lady solon.
“Syempre wala pa ‘yung election. Pero the way things are running, medyo tumanda na ako sa Kongreso, this is my 6th term, last term of my 2nd round. Kitang-kita no, very clear that Congressman Martin Romualdez will be the next Speaker of the 20th Congress.”
Ayon kay Garin, ang suporta kay Romualdez ay nagmula sa iba’t ibang partido, rehiyon, at mga ideological bloc, kabilang na ang mga dati niyang kritiko o katunggali.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto ay sina dating Pangulo at muling halal na Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Negros Occidental Rep. Javi Benitez – anak ni Bacolod City Rep. Albee Benitez – at Davao Occidental Rep. Claude Bautista, na nagsilbing campaign manager ni Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.
“Nagulat nga ako nung nakita ko ‘yung mga nakapirma kahapon. Andun ‘yung ating former President, Cong. Gloria Macapagal-Arroyo. Nakapirma rin doon si Cong. Claude Bautista who’s a good friend… At nakapirma rin doon ‘yung anak ni Cong. Albee Benitez, si Cong. Javi Benitez,” paglalahad pa ni Garin.
Maging si Malasakit Partylist Rep. Girlie Veloso, na bahagi ng political network ni Sen. Bong Go ay handa rin sumuporta kay Romualdez kaya aakyat pa sa 292 ang bilang ng sumusuporta sa naging House Speaker ng nakaraang 19th Congress,
Itinuturing din ni Garin na ang suporta kay Romualdez ay sumasalamin sa pagiging inklusibo at bukas sa konsultasyon na istilo ng pamumuno nito.
“It simply shows na ‘yung kanyang being Congressman Martin’s, being a consensus builder, ‘yung kanyang leadership na nakikinig, ‘yung kanyang liderato na nagde-delegate,” aniya pa.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang mabilis na pagkilos ni Romualdez sa pagbibigay-kakayahan sa mga mambabatas na tumugon sa mga sakuna sa kani-kanilang distrito.
“Ito ay dahil binibigyan ng linya or pinasok ni Cong. Martin Romualdez sa sistema ‘yung agaran nakaka-aksyon ng mabilis,” pahabol ng Ilonggo solon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
