HINDI man tuloy ang Barangay at Sangguniang Barangay Elections (BSKE) sa Disyembre, nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na tagumpay ang isinagawang voter’s registration.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, higit pa sa inaasahang 1.5 milyong kwalipikadong Pilipino ang nagpahiwatig ng pagnanais maging bahagi ng BSKE.
Katunayan aniya, pumalo sa 1.7 milyon ang kabuuang bilang ng nagparehistro sa walong araw na voters registration — pinakamataas sa kasaysayan ng pagpapatala para sa isang partikular na halalan.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sa loob lamang ng walong araw ng registration period, umabot na sa 1,724,000 ang mga nagparehistro. Isa ito sa pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas.
“Nung nakaraan halos isang taon inabot kami ng mga 1.8 million… ito walong araw ganyan na kalaki ang napa-register baka abutin tayo ng mga hanggang 2 milyon,” ani Garcia.
Malaking bahagi aniya ng mga bagong botante ay mula sa hanay ng mga kabataan.
Sakali aniyang lagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na nagtutulak ipagpaliban ang BSKE, muli aniyang bubuksan ng poll body ang voters registration pagsapit ng Oktubre ng kasalukuyang taon — hanggang buwan ng Hulyo 2026.
