SA halip na pisong provisional fare increase, posibleng igawad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hiling na P5 dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Sa kalatas ng LTFRB, tiniyak ng ahensya na maingat na pinag-aaralan na ang petisyon para sa dagdag-pasahe na inihain ng iba’t ibang transport groups bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng krudo.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap) at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).
Ayon sa LTFRB, nais ng mga nabanggit na transport groups itaas ang base fare sa P15 para sa traditional jeep, at P19 naman para sa mga modern jeep.
Garantiya ni LTFRB Chairperson Atty. Teófilo Guadiz III, magiging patas at makatarungan ang lalabas na dagdag-pasahe ng ahensya.
“Our goal is to balance the needs of the riding public and the sustainability of public transport operations,” wika ni Guadiz.
Gayunpaman, nilinaw ng LTFRB chief na kailangan dumaan sa tamang proseso bago magpasya ang ahensya. Kabilang aniya sa mga kailangan muna isagawa ang konsultasyon at pagdinig sa petisyon.
“We will listen to all sides before making a decision. This is part of our mandate to ensure transparent and participatory fare-setting.” (LILY REYES)
