WALANG nakikitang dahilan ang Palasyo para tutulan ang amyenda sa 1987 Constitution.
Ayon kay Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, hindi tututol si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa planong Charter Change sa bisa ng Constitutional Convention (ConCon).
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na ang posisyon ng Palasyo ay limitado lang amyenda sa paglilinaw sa mga umano’y butas sa Saligang Batas.
Partikular na tinukoy ni Castro ang plano ni Antipolo City Congressman Ronaldo Puno na isulong ang ConCon upang linawin ang “nakalilitong” probisyon ng 1987 Constitution, partikular ang salitang “forthwith” na nagdulot na salpukan sa pagitan ng Kamara at Senado kaugnay sa isyu ng impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Pag-amin ni Castro, wala pang detalyeng hawak ang Pangulo sa mungkahi ni Puno.
“So, kung ito naman ay ikagaganda at ikaliliwanag para hindi na mabutasan ang anumang provision dito sa Constitution ay hindi naman po ito tututulan ng Pangulo,” wika ni Castro.
Patuloy ang palitan ng batikos ng dalawang sangay ng Kongreso dahil sa katagang “forthwith” na nakasaad sa isang bahagi ng 1987 Constitution, partikular sa impeachment ng mga opisyal ng pamahalaan.
