GANAP nang sumipa ang gun ban na kalakip ng pagsisimula ng election period para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia ang mas mahigpit na implementasyon ng gun ban sa tulong ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines na una nang inatasang mag-deploy ng checkpoint.
Gayunpaman, nilinaw ni Garcia, na hindi magiging sagabal ang mga checkpoints sa operasyon ng mga negosyo, hanapbuhay ng mga Moro , gayundin ang pagpasok paaralan ng mga estudyante.
Sa ngayon aniya, wala pa naman nakikitang hotspot areas na kailangang bantayan gayundin ang pagdagdag ng mga tropa.
Tanggal na rin umano sa ilalim ng Comelec Control ang Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at Buluan, Maguindanao del Sur sa pagsisimula ng election period.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan ang Comelec sanayin sa susunod na linggo ang nasa 1000 Philippine Coast Guard personnel na aalalay sa mahigit 9000 Board of Electoral Inspectors (BEIs) para sa BARMM Parliamentary Elections.
Tututukan naman aniya ng PNP ang pagbabantay sa seguridad.
