NI LILY REYES
SA halip na makasingil sa insurance company, kalaboso ang kinasadlakan ng dalawang Chinese nationals na bistadong nasa likod ng carnap-me modus sa hangaring makasingil sa insurance company.
Sa ulat na isinumite ng Valenzuela City Police Station sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang mga suspek sa pangalang Wang na residente ng Balagtas, Bulacan at isang alyas Yang ng Binondo, Maynila.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagpagawa umano ng police report si Wang para sa pagmamay-aring Toyota Fortuner na ninakaw umano noong Agosto 17 sa tapat ng Jade Garden Subdivision, sa Barangay Marulas.
Subalit sa pagsisiyasat ng pulisya, natuklasan na ang sasakyan ay sangkot sa aksidente at kasalukuyang nasa isang talyer sa 2nd Avenue, Caloocan City.
Nadakip naman si Yang habang minamaneho ang isa pang Toyota Fortuner na kinabitan ng plaka ng nawasak na sasakyan upang palabasing iyon ang na-carnap.
Nahaharap sa mga kasong perjury, illegal transfer of license plates, at insurance fraud ang mga dayuhang suspek.
