MATAPOS mabuking na nagbuhos ng P400 milyon para sa isang ghost project sa Bulacan, may panibagong kontrobersiya ang kinakaharap ng isang partylist congressman — ang $10.3-milyong halaga ng mansyon sa Newport Coast, California.
Ayon sa isang social media port ng isang netizen, pagmamay-ari umano ni Construction Workers Solidarity (CWS) partylist Rep. Edwin Gardiola ang naturang mansyon.
Bilang patunay, ipinost din ng netizen ang screenshot ng real estate data kung saan nakatala ang pangalan ni Gardiola bilang may-ari ng naturang mansyon.
Sa pagtataya ng real estate data portal, nagkakahalaga ng $10,369,102 (katumbas ng P576.8 milyon) ang mala-palasyong bahay na pag-aari ng kongresista.
Kabilang si Gardiola sa mga target imbestigahan ng Senado matapos ibulgar kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “ghost project” ang proyektong binuhusan ni Gardiola ng daang milyong piso mula sa priority development fund na nakalaan sa mga miyembro ng Kamara.
