PORMAL nang nilagdaan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kasunduan para sa implementasyon ng 2025 Local Government Support Fund (LGSF)–Green Green Green Program para sa luntiang pamayanan.
Sa isang seremonyang ginanap sa Boncodin Hall ng Department of Budget and Management (DBM), binigyang-halaga ang pagsusulong ng higit na luntian, mas matatag, at sustenableng komunidad.
Kabilang sa mga lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sina DBM Secretary Amenah Pangandaman, Human Settlements Secretary Jose Ramon Aliling, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes.
Layunin ng Green Green Green Program suportahan ang mga lalawigan,, lungsod, at munisipalidad sa pagtataguyod ng mga ligtas na kanlungan, liwasan at mga proyekto para sa “active mobility.”
Partikular na tinukoy sa ilalim ng nasabing programa ang paglikha ng mas luntiang, mas masigla, at mas konektadong mga pampublikong espasyo na magsusulong ng aktibong pamumuhay at magpapabuti sa kalusugan at kagalingan ng mga mamamayan.
Buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon nang ilabas ang DBM ng isang budget circular na nagtakda ng mga alituntunin sa paggamit ng P700 milyong inilaan para sa LGSF–Green Green Green Program ngayong taon.
Kabilang sa mga pinaglaanan ng pondo ang pagtatayo, rehabilitasyon, at pagpapahusay ng mga proyekto kabilang ang liwasan at plaza, pasyalan, bike lanes, bike track, pedestrian footpath, walkway at iba pa. (ITOH SON)
