HINDI na nagawa pang pumalag ng dalawang pulis nang disarmahan ng mga kabaro matapos ireklamo ng isang policewoman na umano’y nilasing muna bago minolestya sa Marikina City.
Isinailalim na rin sa “preventive suspension” ang dalawang hindi pinangalanang pulis na nakatalaga sa Eastern Police District (EPD).
Sa salaysay ng 27-anyos na dalagang pulis, Agosto 17 nang maganap ang pangmomolestya sa loob ng boline patrol car sa Barangay Sto. Nino ng nabanggit na lungsod.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakaposte sa Cityhood Park ng Barangay Sto. Niño dakong alas 8:30 ng gabi ang biktima nang dumating ang mga suspek na nagyaya para magkape.
Bagamat tumanggi, hindi umano tumigil sa pangungulit ang dalawang suspek — isang sarhento at isang patrolman. Pero sa halip na magtungo sa isang convenience store para “magkape,” minaneho umano ng sarhento ang mobile patrol car sa isang madilim na bahagi ng jogging lane kung saan nangyari ang pangmomolestiya.
