
KUMBINSIDO ang pamunuan ng Kamara sa bentahe ng programang ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga palaboy sa lansangan, gayundin sa mga nasa mga liblib na bahagi ng bansa.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang Pag-Abot Program na aniya’y kaagapay sa pagbangon ng mga pamilyang lugmok sa kahirapan.
Panawagan ng lider ng Kamara sa DSWD, palawakin ang naturang programa.
“The Pag-Abot Program is a critical social safety net that fills gaps in our poverty alleviation measures. It is also proof of President Ferdinand R. Marcos Jr.’s strong commitment to eradicate poverty in line with the Philippine Development Plan 2023-2028 and the United Nations Sustainable Development Goals,” wika ni Romualdez, kasunod ng pamamahagi ng DSWD ng mga kagamitan sa pagsasaka sa 521 pamilyang Aeta sa Barangay Maruglo, Capas, Tarlac.
Ito ay bahagi ng patuloy na rin ng pagsisikap ng administrasyon tulungan ang mga katutubo na magkaroon ng sariling pangkabuhayan at maiwasang mamalimos sa lungsod, lalo na tuwing Kapaskuhan.
Sa pamamagitan aniya ng Executive Order No. 52 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakalipas na taon, itinakda ang Pag-Abot Program bilang pangunahing programa ng gobyerno para tulungan ang mga kapuspalad, at komunidad na nasa liblib o malalayong lugar.
Kamakailan, namahagi ang DSWD sa mga pamilyang Aeta ng 50 kalabaw, 10 hand tractors na may trailer, siyam na mini-tiller cultivators, 10 grass-cutters, 10 water pumps, 33 knapsack sprayers, anim na power sprayers, apat na mini palay threshers, at tatlong rice mills bilang tulong sa kabuhayan.
Ito ay karagdagan pa sa 91 kalabaw na binigay na ng ahensya matapos mailigtas at maibalik sa kanilang komunidad ang mga pamilyang Aeta na napunta sa Metro Manila noong Disyembre 2023.
“These farm implements for our Aeta brothers and sisters in Tarlac are not just tools to till the land. They are also symbols of hope—hope that with hard work and determination, supported by responsive government programs, a brighter future is within reach for their families and communities,” paliwanag ni Romualdez.
Pinuri rin niya ang pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pagtitiyak na ang komunidad ng Aeta mismo ang pumili ng tulong angkop sa kanilang pangangailangan, alinsunod sa community-driven approach ng DSWD sa ilalim ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).
“Sila man ay nasa laylayan ng ating lipunan, ipinapadama ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD na hindi sila isinantabi at kinalimutan. Sa halip, tinutulungan silang makaahon sa kahirapan at mamuhay nang may dignidad at pag-asa,” aniya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)