KALABOSO sa Quezon City ang 35-anyos na Kuwaiti na umano’y nag-iikot sa Metro Manila nang hindi nagbabayad ng pamasahe sa sinasakyang taxi.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dinakip ang 35-anyos na suspek na si Hamman Abualqumssan, matapos ireklamo ng 69-anyos na taxi driver na residente ng Sta. Cruz, Maynila.
Sinabi ng pulisya na pinakiusapan ng suspek ang driver na dalhin siya sa isang hotel sa Barangay Alabang sa Muntinlupa City ngunit pagdating sa establisyimento, sinabihan ang biktima na magpunta sila sa Cubao, Quezon City.
Nang makarating sila sa harap ng isang hotel sa kanto ng EDSA at Aurora Boulevard bandang alas-9:29 ng gabi, tumanggi si Abualqumssan na bayaran ang kanyang pamasahe sa taxi na umabot sa libu-libong piso.
Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa, na nagtulak sa biktima na humingi ng tulong sa mga bystanders na nagsumbong sa pulis na agad naman umaresto sa dayuhan.
Sa Cubao Police Station, natuklasan ng mga pulis na nabiktima rin ng suspek ang isa pang taxi driver na may parehong scam noong Oktubre 22.
Sa halip na magbayad, binastos at ininsulto pa umano ng suspek ang mga pulis.
Bukod sa estafa, tinitingnan din ng pulisya ang mga kasong unjust vexation at disobedience to person in authority laban sa suspek.
Nagsasagawa ng background investigation ang pulisya sa suspek para malaman kung may iba pang criminal record ang Kuwaiti national. (LILY REYES)
