TULUYAN nang tinuldukan ng Office of the Ombudsman ang hiling ng mag-asawang Discaya na maging state witness bunsod ng pagtanggi makipag tulungan sa imbestigasyon kaugnay ng flood control scandal.
Sa isang pahayag, sinabi ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na itinuturing na “hostile witnesses” ang mag-asawang kontratista. Bila hostile witnesses, walang dahilan para hindi sampahan ng kasong malversation of public funds, falsification of public documents, at iba pang kaukulang paglabag sina Curlee at Sarah Discaya.
Giit ni Clavano, ang proteksyong ibinigay sa mag-asawa ay para lamang ng aplikasyon bilang state witness. Gayunpaman, nilinaw ni Clavano na babawiin na ng pamahalaan ang proteksyon sa mag-asawang Discaya matapos magdesisyon na hindi makipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Dagdag pa ng Ombudsman, malinaw ang ebidensya sa ghost projects sa Bulacan, pero mas malalim na imbestigasyon pa ang isinasagawa ng tanggapan upang patunayan ang sinasabing korapsyon na nagsimula umano sa loob ng Kongreso, partikular sa Appropriations Committee.
Tiniyak naman ng Ombudsman na handa ang kanilang tanggapan na ituloy ang kaso laban sa mga sangkot at papanagutin ang lahat ng responsable sa anomalya. (LILY REYES)
