“KUNG nais nating maging matatag ang ating ekonomiya, kailangang patatagin muna natin ang mga haliging ito,” ayon kay House Speaker Faustino Dy III, kasabay ng pagkilala sa ambag ng mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.
“Sa Bagong Pilipinas, ang magsasaka at mangingisda ay hindi lang tagapagbigay ng pagkain, sila ay haligi ng pag-unlad. Kung nais nating maging matatag ang ating ekonomiya, kailangang patatagin muna natin ang mga haliging ito.” pahayag pa ni Dy.
Tiniyak din ng House Speaker na nananatiling buo ang suporta ng Kamara sa mga repormang pang-agrikultura na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kaya naman pinapurihan ng Isabela province lawmaker ang pagpapalabas ni Presidente Marcos ng Executive Order (EO) Nos. 100 at 101.
Giit ni Dy, ang dalawang nasabing kautusan ay patunay na lubos na nauunawaan ng Punong Ehekutibo ang mga hamong kinakaharap ng sektor ng agrikultura, at desidido itong ibalik ang dignidad at katatagan ng mga magsasaka at mangingisda.
“Muling pinatunayan ni Pangulong Marcos na may tunay siyang malasakit sa ating mga magsasaka. Sa pamamagitan ng EO 100 at EO 101, pinangangalagaan niya ang kanilang kabuhayan, pinapatibay ang seguridad sa pagkain, at binibigyan ng katarungan ang mga matagal nang nagsasakripisyo sa bukid at sa dagat,” dagdag ng House Speaker.
Ani Dy, sa ilalim ng EO 100 ay magtatakda ng makatarungang floor price o ang pinakamababang presyo ng palay para protektahan ang mga magsasaka laban sa pagbaba ng presyo lalo na sa panahon ng anihan.
“Matagal nang pinapasan ng ating mga magsasaka ang kawalan ng tamang presyo sa kanilang ani. Sa EO 100, may tiyak na halaga sa bawat butil ng palay at may katiyakan sa kanilang pinagpaguran. Ito ang tunay na ginhawa at hustisya para sa kanila,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Binigyan-diin naman ni Speaker Dy ang kahalagahan ng EO 101, kung saan inaatasan ang lahat ng national at local government units na direktang bumili ng produkto mula sa mga rehistradong kooperatiba at samahan ng mga magsasaka at mangingisda, alinsunod sa Sagip Saka Act.
“Ang EO 101 ay nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga nasa likod ng ating pagkain. Wala nang paligoy-ligoy at walang namamagitan. Ang kita, diretso na sa bulsa ng mga magsasaka at mangingisda,” sambit din niya.
Samantala, bago ang pagpapalabas ng dalawang nabanggit na direktiba ni Pangulong Marcos, nakipagpulong si Dy kina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Senador Kiko Pangilinan kung saan napag-usapan ang mga hakbang na nakapaloob sa EO’s 100 at 101.
Pinasalamatan ni Speaker Dy ang Department of Agriculture (DA) sa pagganap nito ng mahalagang papel partikular ang masigurong agad na matutugunan ng pamahalaan ang mga alalahanin at interes ng Philippine agriculture sector. (ROMER R. BUTUYAN)
