WALANG dahilan para hindi aprubahan ng Kamara ang panukalang Magna Carta for Barangays na magbibigay-daan para sa nararapat na pagkilala, dangal, at kompensasyon ang mga opisyal ng barangay bilang ganap na rin mga empleyado ng pamahalaan.
Sa harap ng hindi bababa sa 2,000 delegado sa dinaluhang Liga ng mga Barangay National Congress, inihayag ni House Speaker Faustino Dy III na kabilang ang House Bill 353 (Magna Carta for Barangays) sa walong prayoridad ng mababang kapulungan.
Ayon kay Dy, layon ng akdang panukala tiyakin matatag ang pundasyon ng pamahalaang lokal.
“Muli ko pong gustong sabihin sa inyo at iparating sa bawat isa sa inyo na amin pong ipaglalaban ang Magna Carta para po sa ating mga barangay,” pahayag ng House Speaker, na umani ng masigabong palakpakan sa hanay ng barangay officials.
Sa ilalim ng inihaing panukala, higit na angkop ihanay ang mga barangay personnel sa kategorya bilang kawani ng gobyerno na may karapatan sa itinakdang sweldo, mga benepisyo, at seguridad sa pagreretiro.
Bago pa man nahalal bilang kongresistang dati nang naglingkod bilang lokal na opisyal, batid niya ang pinakamatinding responsibilidad sa serbisyo publiko ng mga ito, lalo’t lagi dapat silang handang tumugon sa mga emergency, mamagitan sa mga alitan, at umalalay sa mga pamilyang nagluluksa, habang ipinapatupad ang mga pambansa at lokal na programa sa kabila ng kakulangan sa pondo at mababang honorarium.
Dagdag pa ng Isabela lawmaker, ginagampanan ng mga lider ng barangay ang tatlong pangunahing tungkulin ng pamahalaan, ang ehekutibo, lehislatibo, at judiciary dahil sila ang tagapagpatupad ng mga proyekto, namumuno sa sangguniang barangay, at lupong tagapamayapa.
Subalit sa kabila nito, sinabi ni Speaker Dy na patuloy pa rin tumatanggap ng kakarampot na allowance o honorarium ang mga barangay officials, na para sa kanya ay dapat maihalintulad sa iba pang opisyal ng gobyerno na may regular na sweldo.
“Hanggang ngayon, hindi po natin matawag ang ating mga sarili o ating mga barangay kung ano ba talaga ang kalagayan at katayuan ninyo sa ating gobyerno. Kayo ba ay talagang totohanang nagtatrabaho sa ating gobyerno o voluntary pa rin ang inyo pong mga gawain?”
Kaya naman sa nabanggit niyang panukalang batas, nais ni Dy na kilalanin ang punong barangay, mga kagawad ng Sangguniang Barangay, maging ang barangay secretary at treasurer, bilang regular na empleyado ng gobyerno, na may karapatan sa itinakdang sahod, insurance, medical at dental coverage, retirement benefits, at iba pang benepisyo.
Nakapaloob din sa HB 3533 ang pagtitiyak na mayroong suplay na malinis na inuming tubig ang bawat 1,000 residente ng kada barangay at ang pagkakaroon din ng pang araw-araw na pampublikong transportasyon upang matiyak na walang komunidad na maiiwan o mapuputol sa koneksyon.
Sa layunin namang patatagin ang fiscal autonomy ng mga barangay, isinusulong ni Speaker Dy ang awtomatikong pagtanggap ng mga ito ng kanilang bahagi sa pambansang buwis, direktang ililipat ang pondo para sa kalsada at tulay, at pagbibigay ng 25% sa nalikom na amilyar sa nasasakupan.
Bukod pa rito ang 10% share sa iba pang buwis at bayarin mula sa mga residente at negosyo sa komunidad na kanilang nasasakupan upang maging bahagi ng pondo ng barangay.
Kabilang rin sa mga tampok na probisyon ng HB 3533 ang barangay scholarship grants, o pagkakaroon ng kahit isang estudyante kada taon sa alinmang kursong bachelor’s degree, na sasagutin ng barangay ang tuition fee, iba pang bayarin, at allowance para sa libro, transportasyon, at iba pang pangangailangan.
Sa aspeto ng pangkabuhayan, inirekomenda ni Speaker Dy na maging prayoridad ang mga residente ng barangay sa mga trabaho sa mga proyektong pang-imprastraktura at pangkaunlaran sa kanilang lugar.
Inaatasan din ang mga barangay na pagtatatag ng kooperatiba upang maisulong ang livelihood kung saan ang nakakasakop na lokal na pamahalaan ay dapat tumulong a magbigay ng suporta dito.
Naninindigan si Dy na kapag ganap na naisabatas ang Magna Carta for Barangay ay maituturing ito bilang pinaka malawak na reporma sa pamahalaang lokal mula noong maipatupad ang Local Government Code of 1991.
“If enacted, the Magna Carta for Barangays would be the most comprehensive reform in local governance since the 1991 Local Government Code—a landmark measure that ensures barangay officials are treated not as volunteers, but as vital pillars of government service.” (ROMER R. BUTUYAN)
