HINDI biro para sa Philippine National Police (PNP) ang kinakaharap na hamon para sa tiyakin ang seguridad sa pag-arangkada na ASEAN Summit na gaganapin sa bansa sa susunod na taon.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., tiniyak ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez na maingat na ilalatag ng pambansang pulisya ang isang komprehensibong plano bilang paghahanda sa pagtitipon ng mga lider ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Bukod kay Marcos, inaasahan ang pagdalo ng mga lider ng mga ASEAN member states na dadalo sa naturang pagtitipon. Pilipinas ang nakatoka bilang “host” sa pinananabikang talakayan sa usapin sa timog-silangang bahagi ng Asya.
Una nang nanawagan ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa iba’t ibang ahensya – kabilang ang PNP – na pagtibayin ang tinawag niyang “national commitment” bilang “host” ng regional at global engagements sa bisa ng “highest level of safety and security” para sa mga delegado.
“We are already preparing as early as now,” ani Nartatez. “The Philippine National Police will be on alert as meetings for our hosting have commenced. We are updating our security playbook to ensure it can address any kind of eventuality, from traffic management to VIP protection.”
Binigyang-diin ni Nartatez na bahagi ng paghahanda ang pagrepaso at pag-update sa lahat ng security protocols para i-akma sa makabagong anyo ng banta sa seguridad.
Bahagi rin ng proactive effort ang high-level coordination sa mga partner agencies para matiyak ang maayos, ligtas at tagumpay na hosting ng bansa sa ASEAN summit.
Binigyang diin ng acting PNP chief ang aniya’y “commitment” ng pwersa ng pulisya na tiyakin ang maayos na pagsasagawa ng aktibidad, at pagtutok sa kaligtasan ng delegasyon ng bansa at mga dayuhang bisita, lalo na sa mga heads of state.
“Global leaders and VIPs will be part of this huge event so we want to ensure the safety and security of not just our kababayans but also our visitors. Nakikipag coordinate at pulong na rin tayo sa ibang mga ahensya para sa mga ipapatupad na security measures para rito,” anang heneral.
Gayunpaman, nilinaw ni Nartatez na kailangan malakas pero disimulado ang security measures, para ipakita sa mga dayuhang panauhin ang “warmth and hospitality” ng mga Pinoy. (EDWIN MORENO)
