SA simpleng paniniwala at katotohanan na ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan ang siyang pinakamahalagang puhunan ng mga motorcycle rider, inilunsad ng 1-Rider Partylist ang two-day health caravan — ang “Libreng Konsulta Kagulong” program.
“Araw-araw, ang ating mga riders ay nagtitiis sa init at polusyon sa gitna ng traffic upang makapagdala ng pagkain sa hapag-kainan at mabigyan ng baon ang anak sa eskwela,” ayon kay 1-Rider PL Rep. Rodge Gutierrez na tumatayong senior vice chairman ng House Committee on Transportation, kasabay ng paglulunsad ng free medical program sa Healthway FEU Nicanor Reyes Medical Center.
“Isang araw na may sakit ay nangangahulugan ng walang kita. Ang kanilang kalusugan ang kanilang puhunan— kaya sinikap naming magkaroon ng libreng konsultasyon para sa ating mga kagulong upang makatulong pangalagaan ito.”
Ibinahagi rin ng kongresista ang pagdaraos ng health caravan sa Nobyembre 15, 2025.
“We want every rider to go home knowing they can work tomorrow—strong, healthy, and ready to provide,” pagliwanag ng ranking House official sa nasabi niyang programa.
Pagtitiyak ni Gutierrez, patuloy niyang isusulong sa Kamara ang mga panukalang batas para maitaguyod ang kapakanan ng mga rider, kaligtasan sa mga lansangan, kasama na ang livelihood protection, public transport support, fuel assistance program at pagpapahusay ng transportation sa bansa. (ROMER R. BUTUYAN)
