HABANG abala ang pulisya sa paghahanda sa malawakang kilos-protesta laban sa katiwalian, ginimbal ng masamang balita ang bayan ng Lambunao sa lalawigan ng Iloilo kung saan natagpuang wala nang buhay ang 7-anyos na babaeng isinilid sa sako matapos halayin at paslangin.
Ayon sa ulat ng Lambunao Municipal Police Station (MPS), ginahasa muna ang biktima bago pinatay sa sakal — saka isinilid sa sako at iniwan sa loob banyo ng tahanan sa Barangay Tampucao noong Sabado.
Batay sa otopsiya ng medico-legal, positibo sa “sexual abuse” ang hindi pinangalanang biktima.
“Cause of death ng ating biktima is due to traumatic ligature at the left lateral aspect of the neck resulting to asphyxial death,” saad ni Lambunao Police Station chief Capt. Jose Winston Biadog.
Bagamat wala pang suspek, may limang indibidwal ang itinuturing na persons of interest (POIs) sa nangyaring krimen, kabilang ang apat na kapitbahay at ang mismong lolo ng bata.
