SUGATAN ang 25-anyos na ginang makaraang bugbugin at paluin pa ng kahoy sa ulo ng mister nang sitahin hinggil sa perang ipinambili ng droga kesa pagkain ng kanilang anak.
Sa ulat kay Lt. Col. Jerry Gamboa, hepe ng Holy Spirit Police Station 14 ng Quezon City Police District (QCPD), agad inaresto ang 31-anyos na suspek matapos ireklamo ng misis.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 7:00 ng gabi noong Lunes, (Nobyembre 10) pagdating umano ng biktima sa kanilang tahanan sa Barangay Holy Spirit mula sa trabaho ay nadatnan niya sa basurahan ang mga gamit nilang mag-ina.
Nang sitahin, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa. Sumbong ng biktima, pinalo pa umano siya ng kahoy sa ulo ni mister matapos bugbugin.
Nabatid pa ng pulisya na nag-ugat ang pagtatalo ng mag-asawa matapos malaman ng misis na binili ng suspek ng droga ang iniwan niyang P100 na para sa pagkain ng kanilang anak.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Violence Against Women and Children Act of 2004 ang suspek na nadiskubreng may standing warrant of arrest sa kasong reckless imprudence resulting in homicide noong 2018. (LILY REYES)
